Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes na hindi siya nagbibiro nang sabihin niya noong nakaraang linggo na puwedeng gamitin ang gasolina na pang-disinfect. Taliwas ito sa mga inihayag ng ilang opisyal na nagbibiro lang noon ang Punong Ehekutibo.
Sa pulong ng mga opisyal ng Gabinete nitong Huwebes na ipinalabas kaninang umaga, sinabi ni Duterte na puwedeng pamalit ang gasolina sa alcohol.
“Sabi nila itong si Duterte loko-loko, gago. Kung loko-loko ako, ikaw na sana ang na-presidente, hindi ako,” sabi ng pangulo.
“Totoo’ yang sinabi ko, alcohol. ‘Pag walang alcohol available hindi ka naman puwede lalo mahirap pupunta ka lang diyan sa gasoline station pagkatapos magpatulo. That’s disinfectant,” pahayag niya.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na puwedeng ibabad ang mga telang face mask sa gasolina para mapatay ang virus para magamit muli.
READ: Duterte instructs people how to ‘reuse’ face masks
"Maski na gamitin mo 'yan dalawang beses okay man, i-sprayan mo nalang ng alcohol... Pagkatapos ng araw, hang it somewhere i-sprayan mo ng Lysol if you can afford it. 'Yung wala, ibabad mo ng gasolina o diesel. Pu***g i** COVID-19 na 'yan, di uubra 'yan diyan," pahayag ng pangulo.
Pero matapos itong sabihin ni Duterte, iginiit nina presidential spokesperson Harry Roque at isang opisyal ng Department of Health, na nagbibiro lang ang pangulo.
Inihayag ni Health Undersecretary Rosario Vergeire nitong nakaraang linggo na ang mga surgical at N95 masks ay isang beses lang dapat gamitin, pero ang mga tela o cloth mask ay kailangang labhan o i-disinfect bago gamitin muli.
Ngunit sa briefing na inilabas nitong Biyernes, nanindigan si Duterte na; “Akala ninyo nagbibiro lang ako pero sa totoo hindi rin ako nagbibiro. You try to go inside my brain.” —FRJ, GMA News