Naulanan pa nitong Martes ng madaling araw ang ilang locally stranded individuals (LSI) na nasa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila habang naghihintay ng mga biyahe papuntang probinsiya, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita.
Nabasa na rin ang mga gamit ng mga LSI nang maiwan nila ito nang sila ay sumilong sa loob ng complex.
Ayon sa mga LSI, masikip sa loob ng complex at dikit-dikit ang mga tao.
Bumaha rin daw ng umulan dahil umapaw ang gutter nang umulan.
Ang ilang LSI, pinili na lang umuwi muna sa kanilang tinutuluyan sa Metro Manila.
Nangangamba rin ang mga LSI na mahawa sa COVID-19 lalo na't hindi bababa sa walo ang mga nagpositibo sa rapid test. Dalawa nga sa mga nagpositibo sa COVID-19 ay mga bata.
Nitong mga nakaraang araw, libo-libong mga LSI ang nagtungo sa Rizal Memorial Sports Complex nang mabalitaan nilang may mga biyahe papunta sa mga probinsiya sa ilalim ng Hatid Tulong Program ng gobyerno. Marami ang na-stranded sa Metro Manila nang magkaroon ng quarantine measures noong Marso dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon sa Technical Working Group para sa Hatid Tulong Program ng pamahalaan, mahigit 3,800 na LSI ang napauwi na nila papuntang probinsiya.
May 1,500 pa raw ng mga LSI na nasa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.
Halos lahat sila ay uuwi sa Caraga Region IX. Ang mga biyahe papuntang Caraga ang ipoproseso ng mga awtoridad nitong Martes.
May bus din na papuntang Caraga ang nakaalis mula sa complex pasado alas-9 nitong Lunes ng gabi, lulan ang ilang LSI.
Nangako naman ang mga nangangasiwa na magiging mas maayos ang mga susunod na biyahe.
Samantala, nitong Martes, ilang LSI ang pinili na lang na doon muna sa labas ng complex sila maghihintay ng biyahe, ayon kay Super Radyo dzBB reporter Isa Avendaño-Umali.
PANOORIN: Ang grupong ito ng locally stranded individuals o LSIs sa labas ng Rizal Memorial Sports Complex na lamang pumuwesto.
— Isa Avendaño-Umali (@Isa_Umali) July 27, 2020
Karamihan sa mga natitirang LSI sa lugar ay umaasang makakauwi na sa CARAGA at Surigao. @dzbb pic.twitter.com/uqhH5IJiy5
Patuloy naman ang paglilinis ng mga street sweeper ng Manila Department of Public Services para maalis ang mga kalat na naiwan sa lugar.
PANOORIN: Nakahilera sa labas ng Rizal Memorial Sports Complex ang mga maleta at bagahe ng mga LSI.
— Isa Avendaño-Umali (@Isa_Umali) July 27, 2020
Ang mga street sweeper naman ng Manila DPS, patuloy sa paglilinis sa mga naiwang basura ng mga LSI. @dzbb pic.twitter.com/h5QGct22Kv
—KG, GMA News