Marami umanong pangarap sa buhay ang 14-anyos na si Garlene Teria, ayon sa kaniyang ina. Pero nagwakas ang mga parangap na ito matapos siyang patayin at hinihinalang ginahasa pa ng kanila umanong kapitbahay sa Caloocan City.

"Marami siyang pangarap sa buhay. Sabi niya, 'Ma, gawa tayo ng sariling bahay. Kung saan-saan tayo tumitira. Para libre lang, walang upa,'"pagbahagi ng inang si Mary Jean.

"Marami akong pangarap, patapusin mo lang ako maski mahirap,'" patuloy ni Mary Jean tungkol sa sinabi noon sa kaniya ng anak.

Nitong Martes ng gabi, nadatnan ni Mary Jean ang duguang katawan ng kaniyang anak sa loob ng kanilang bahay sa Pangarap Village.

May saksak ang biktima sa leeg, nakagapos ang kamay at paa, at walang saplot pang-ibaba, at nakadapa sa higaan.

Ayon sa ginang, nakita niya ang suspek na kapitbahay nilang si Diomedes Liamez, na papalabas sa kanilang bahay na may suot na duguang t-shirt at mabilis na umalis.

Si Liamez ang caretaker ng lupang kanilang tinitirahan, na ilang beses daw na nakaaway ni Mary Jean.

"Gusto niya kasi mawala ako dito sa bahay na ito, kasi ito pinatira sa amin. Pero nauna akong tumira dito," sabi ng ginang.

Si Liamez daw ang laging nag-uumpisa ng kanilang away.

"Sumisilip pala diyan sa bintana nila na sinisilip niya kung anong pinag-uusapan namin. Ang isip niya, siya ang pinagkwe-kwentuhan," ani Mary Jean.

Umabot pa ang pag-aaway nila sa barangay matapos na pagbintangan ng suspek si Teria na may COVID-19.

Labis ang hinagpit ng pamilya Teria sa pagkawala ni Garlene, na isa umanong mabait at masunurin na bata.

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa tumakas na suspek. Lumikas na rin ang pamilya nito sa kanilang tirahan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News