Itinanggi ng Udenna Group ng Davao-based businessman na si Dennis Uy ang kumakalat sa social media na may kinalaman sila sa isa umanong broadcast company na interesado sa naiwang "frequencies" ng ABS-CBN Corporation, na nabakante matapos na hindi maaprubahan ng House Committee on Franchises ang kanilang prangkisa.
“It has come to our attention that there have been certain speculations going around on social media saying that the Udenna Group is associated with a reported broadcasting entity interested in acquiring the broadcast frequencies left behind by ABS-CBN,” sabi sa pahayag ni Udenna Group spokesperson Raymond Zorilla.
“These are unfounded and completely false,” dagdag pa ni Zorilla.
Batay sa mga kumalat na impormasyon sa social media, isang Dragon Broadcasting Corporation, na umano'y pag-aari ni Uy, ang makakakuha ng frequencies ng ABS-CBN.
Natigil ang operasyon ng ABS-CBN simula pa noong Mayo 5 matapos magpalabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission nang mapaso ang kanilang prangkisa.
Tuluyan namang naglaho ang pag-asa ng ABS-CBN na makakuha ng prangkisa matapos na bumoto ang 70 kongresista na ibasura ang aplikasyon ng network.
Bagaman mayroong Communications Media and Entertainment Holdings Corporation ang Udenna, sinabi ni Zorilla, na hindi nila prayoridad ang broadcasting.
Pasok din ang Udenna sa mga negosyante sa oil, gas at retail; shipping at logistics; education; food; gaming at tourism; property development and management; at infrastructure development.
Dati na ring naglabas ng pahayag si Uy na hindi siya interesado na bilhin ang ABS-CBN.
Si Uy, top contributor ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya noong 2016 elections. --FRJ, GMA News