Nilinaw ng Philippine Army na mga tauhan nilang rumesponde sa insidente sa Jolo, Sulu, ang nakita sa CCTV footage na viral sa social media na lumapit sa bangkay ng mga sundalong napatay ng mga pulis sa nangyaring "shooting" incident kamakailan.
Sa panayam ng Dobol B sa News TV, sinabi ni Army spokesman Colonel Ramon Zagala, na nagtungo sa lugar ang mga sundalo nang malaman nila ang nangyaring insidente.
Dagdag pa ni Zagala, walang pulis na inabutan sa lugar ang mga sundalong rumesponde.
Nais umanong alamin ng mga rumespondeng sundalo kung kasamahan nila ang mga nasawi, at sino ang mga may kagagawan ng pamamaril.
"Ika-clarify lang po namin 'yung recent video na umiikot, ito nakita namin kaninang umaga. At first glance namin ay inakala namin mga PNP pero vinerify namin and on verification kaninang umaga, ito'y mga sundalo na nagrerespond noong shooting..." sabi ni Zagala.
"Noong pumunta sila doon gusto nila ascertain 'yung identities kung ito ba ay mga kasama natin kasi noong dumating sila, walang PNP," patuloy niya.
Ayon pa kay Zagala, ang sundalong nakita sa video na nagbukas ng pinto ng sasakyan ay kapatid ng isa sa mga nasawi.
"At that time kasi hindi nila alam kung sino pumatay, akala nila Abu Sayyaf tapos ang nangyari 'yung nakikita niyong nagbubukas ng pinto, 'yun ay brother ni Corporal [Abdal]Asula, isa rin naming operative..." paliwanag ni Zagala.
"Nilagyan niya ng folded na tshirt 'yung ulo ng brother niya para wala 'yung, para ma-secure 'yung ulo ng brother niya kasi nasa sahig lang," dagdag pa ng opisyal.
Bukod sa pagtukoy sa mga nasawi, nais umanong ingatan ng mga rumespondeng sundalo ang mga gamit ng mga nasawi nilang kasamahan.
Bagaman aminado si Zagala na nagkaroon ng "lapses" sa bahagi ng mga sundalong rumesponde sa insidente, iginiit niya na walang intensiyon ang mga ito na guluhin ang "crime scene."
"Admittedly may kaunting lapses tayo kasi binuksan 'yung mga pinto," ani Zagala. "Ang intent lang talaga doon is to ascertain identities, check kung may buhay kasi kararating lang nila. Walang intent to tamper."
Una rito, sinabi ng National Bureau of Investigation na iniimbestigahan na nila ang naturang nag-viral na video.
Nagsagawa na rin umano ang Internal Affairs Service ng Philippine National Police, ng sariling imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Siyam na pulis ang sangkot sa nasabing pamamaril sa apat na sundalo.
Batay sa pahayag ng pulisya, sinita ng mga pulis ang mga nakasibilyang lalaki na nagpakilalang mga sundalo.
Pinapunta umano ang mga biktima sa himpilan ng pulisya para matiyak kung sundalo talaga sila pero "tumakas" umano ang mga biktima kaya nagkaroon ng habulan na nauwi sa barilan.-- FRJ, GMA News