Isasailalim sa hard lockdown ang 31 barangay sa Maynila dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19. Kabilang sa nadagdag sa listahan ng mga nagpositibo sa virus ay siyam na magkakaanak na nag-reunion daw kamakailan.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing residente sa Barangay 343 sa Sta. Cruz, Maynila ang mga magkakaanak.
Dalawa sa kanila ang magkasunod na pumanaw nitong nakaraang buwan.
"Nagkaroon daw po sila yata ng reunion sa taas, nag-inuman po sila so hindi po namin alam kung paano ang naging sistema at buong kaanak po nila ay nagkaroon po ng positive," sabi ni Jackie Jagonoy, Secretary ng Brgy. 343.
Mayroon umanong 13 aktibong kaso ng COVID-19 sa Brgy. 343 na nasa apat na bahay. Ikinaalarma ito ng barangay dahil tila nagiging kampante na ang maraming residente at ayaw magpasaway.
Kasama ang Barangay 343 sa 30 iba pang barangay na isasailalim sa hard lockdown sa Hulyo 4 at 5.
Bago nito, nakapagtala ng kabuuang 147 na kaso sa mga barangay sa loob lamang ng dalawang linggo mula Hunyo 15 hanggang Hunyo 29.
"Nag-iinuman sa kalye, naninigarilyo, nagkukuwentuhan, ilang beses na po kaming nagpapaalala sa kanila na bawal po 'yung dikit dikit, social distancing po, wala po,hindi po iniintindi. Kaya 'yung mga pulis at sundalo na po ang magbabantay sa kanila," sabi ni Ariel Morales Cansino, kapitan ng Brgy. 343.
Base sa panuntunan ng lungsod ng Maynila, isasailalim sa hard lockdown ang mga barangay na magkaroon ng tatlong confirmed COVID-19 cases o higit pa.
"Lahat ng barangay na ila-lockdown is magkakaroon ng assessment, especially doon sa mga family na nag-positive. Uunahin namin magko-conduct ng rapid testing," sabi ni Romey Bagay, Director ng Manila Barangay Bureau.
READ: Surprise party, nauwi sa bangungot nang mahawa ng COVID-19 ang 18 miyembro ng pamilya sa Texas
Kamakailan lang, iniulat na 18 magkakaanak sa Texas, USA ang nahawahan ng COVID-19 matapos magdaos ng surprise party sa isang kaanak nilang nagdiwang ng kaarawan. --Jamil Santos/FRJ, GMA News