Isang security guard na nagtungo sa East Avenue Medical Center sa Quezon City para magpagamot matapos maaksidente sa motorsiklo ang bigla na lang umanong nang-hostage ng duktor nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Hilarion Achondo, 51-anyos.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na nagtungo sa pagamutan si Achondo para ipagamot ang tinamong sugat sa pagkakaaksidente sa motorsiklo dakong 2:00 am
Pero pagsapit ng 5:00 am, bigla na lang daw sinunggaban ng suspek ang isang duktor at tinutukan ng hiringgilya ang biktima sa leeg.
Kaagad naman kumilos ang mga pulis na nasa ospital para kausapin ang suspek at kinumbinsing palayain ang biktima, ayon kay Police Staff Sergeant Bienvenido Ribaya III.
Pagkaraan ng ilang minuto, pinakawalan na ni Achondo ang binihag niyang duktor.
Sa panayam ng "Dobol B sa News TV," sinabi ni Ribaya na tiniyak lang niya sa suspek na tutulungan nila ito kaya mapayapang sumuko.
"'Yung paglapit ko sinabi ko 'di kami kalaban, nandoon kami para tulungan po siya. Nagtuloy-tuloy lang po 'yung pag-uusap namin hanggang sa napakalma po siya," kuwento ni Ribaya.
Hindi naman umano nasaktan ang duktor.
Patuloy pa ang imbestigasyon tungkol sa insidente, pero mahaharap ang suspek sa mga reklamong grave coercion, alarm and scandal, at grave threat, ayon kay Ribaya.
Tiniyak naman ng pamunuan ng ospital na sapat ang seguridad sa pagamutan sa kabila ng nangyaring insidente.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ng pulisya na idinahilan ng suspek na nagawa niyang mang-hostage dahil hindi raw siya kaagad inasikaso sa ospital.--FRJ, GMA News