Mukha mang asong Pinoy o AsPin, may kakaibang abilidad ang itinuturing kauna-unahang breed ng indigenous dog sa Pilipinas na mahigit 30,000 taon sa Pilipinas--ang mga asong-gubat o witch dog.
Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras," ipinakita ang kakaibang lahi ng mga asong-gubat na nasa Bukidnon, na sa unang tingin ay mapagkakamalang Aspin.
Ang naturang breed ng aso, mataas tumalon, nakatayo ang patulis na tenga, matulis ang kuko, at maitim na tila stripes ang balahibo.
Ayon sa veterinarian na si Marie Gracell Clarete, isa sa mga katangi-tangi sa asong-gubat ay ang pagpapalit nila ng mga kuko.
"Yung pinaka-unique sa kanila yung kuko nila kasi nagse-shed yung kuko nila. Parang nagre-rectract siya, parang lumilitaw yung sharp claw nila," saad niya.
Ang matutulis na kuko ay ginagamit umano ng mga asong-gubat para makaakyat sa mga puno at mag-hunting ng kanilang pagkain.
May ilan na nakapag-alaga ng mga asong-gubat pero hindi inirerekomenda ni Clarete Pero na gawing pet ang naturang hayop na pang-wild.
"Kapag may nakita sila na pusa, na manok, aatakihin talaga nila. Hindi kasi nila normal habitat talaga yung madaming tao, sa gubat talaga sila nakatira. So baka maapektuhan yung kanilang behavior," paliwanag niya.--FRJ, GMA News