Dinakip ang isang lalaki matapos makumpiska sa kaniya ang P3.4 milyon halaga ng umano'y shabu na nagagawa niyang ibenta sa kabila ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Carcar City, Cebu.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Jericho Infantado, 45-anyos, na nadakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Central Visayas.
Sinabi ng PDEA na patuloy ang operasyon ng suspek, na kumukuha ng droga sa Cebu City.
"'Yung lockdown, sinamantala ng mga nagbebenta ng shabu kasi 'yung mga pulis, busy sa pagpapatupad ng ECQ. Akala nila nag-relax 'yung operation natin. But PDEA is still pursuing 'yung mga nagbebenta ng ilegal na droga despite of the lockdown," sabi ni Levi Ortiz, Regional Director ng PDEA Central Visayas.
Gumagamit pa umano minsan ng tatlong runner ang suspek para ihatid nang door-to-door ang mga order na droga.
"Marami siyang mga parokyano, maraming clients na pumupunta sa bahay niya para bumili ng droga. Harap lang ng bahay niya 'yung barangay hall and besides sa barangay hall, an elementary school," ayon pa kay Ortiz.
Mahaharap sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag. — Jamil Santos/DVM, GMA News