Patay ang isang pintor nang pagbabarilin ng di bababa sa 10 salarin pasado ala-una madaling-araw nitong Huwebes sa Quezon City.
Sa ulat ng Unang Balita ni James Agustin, kinilala ang biktima na si Rogelio Cruz.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, batay sa salaysay ng kinakasama ng biktima, dumating ang mga armadong lalaki sa kanilang bahay sa Barangay Old Balara at sapilitang pinasok ang kanilang bahay at pinagbabaril na ang biktima.
Tumakas ang mga salaring 'di bababa sa sampung lalaki at nakatakip ang mga mukha sakay ng mga motorsiklo.
Ayon sa mga pulis, dati nang nakulong ang pintor na si Rogelio ng dahil sa droga.
Iniimbestigahan na ng mga pulis ang motibo sa krimen. —LBG, GMA News