Sinabi ni Speaker Alan Cayetano na maliit na pagbabago lang ang magaganap sa Kamara de Representantes kapag pumalit na sa kaniyang puwesto si Marinduque Representative Lord Alan Velasco sa Oktubre.

“I’ve been communicating doon sa mga supporters ni Congressman Velasco na pag-usapan, ang magpapalit ako lang at tsaka [si Velasco], hindi ‘yong mga ibang chairmanships,” sabi ni Cayetano sa mga mamahayag nitong Biyernes.

Ang pagpapalit ng liderato sa kapulungan ay nakapaloob sa kasunduan nina Cayetano, Velasco at si Leyte Rep. Martin Romualdez, na itinalagang House Majority Leader.

“As you all know, si Congressman Romualdez, ang ating Majority Leader, will stay. That’s why siya ang ginawa kong co-chairman ng DCC (Defeat COVID-19 committee). So kung mangyari ‘yong transition, eh minimal ‘yong [changes],” ayon kay Cayetano.

Gayunman, hindi masabi ni Cayetano kung posibleng mabago ang polisiyang inilatad ng kaniyang liderato ng Kamara sa pagtugon sa COVID-19 pandemic kapag si Velasco na ang naging lider ng kapulungan.

“It would be unfair for me to say na maapektuhan, 'di maapektuhan kasi self-serving. Kasi sasabihin ng iba, ikaw nandiyan so you’ll think you can do better,” paliwanag ni Cayetano.

“What’s important for me is to prepare for the transition, make sure malakas ang chairmanships,” dagdag niya.

Sa ilalim ng kasunduan sa speakership, uupong lider ng Kamara si Cayetano sa loob ng 15 buwan, at pagkatapos ay si Velasco naman na tatagal ng 21 buwan.

Kabilang si Romualdez sa mga kandidato noon bilang speaker pero pumayag na lamang na maging majority floor leader matapos na mamagitan si Pangulong Rodrigo Duterte.--FRJ, GMA News