Naghahanap ng mahigit 30,000 na online English teacher ang isang kumpanya mula sa China na maaaring mag-work from home para magturo sa mga batang estudyanteng Chinese.
Sa ulat ni JP Soriano sa “24 Oras,” sinabing inendorso ng Chinese Embassy sa Pilipinas ang kumpanyang 51Talk.
Sinabi ng Department of Labor and Employment na umabot na sa 2.8 milyong manggagawa sa Pilipinas ang nawalan o naapektuhan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
“We need to attract 30,000 home-based online English teachers in 51Talk just for this year,” sabi ng 51Talk country head na si Jennifer Que.
Maaaring umabot ang kita sa P20,000 kada buwan para sa mga nag-uumpisa, pero mas malaki pa ang kikitain kung mas maraming booking at mas matagal na oras ang ilalaan sa pagtuturo.
Ayon pa kay Que, maaaring magsimula ng pagtuturo ang mga guro nang sing-aga ng 6 a.m., at maaaring kumita pa ng hanggang P80,000.
Maaaring mag-apply ang sino man kahit ano pa ang kurso at trabaho, basta handa na matuto. Hindi rin kailangang marunong mag-Chinese.
Kailangan lamang ng sariling computer, wired internet connection at tahimik na corner sa bahay.
Sinabi naman ng DOLE na hamon ng mga work from home at online workers ang mabilis at stable na internet connection, kaya napag-usapan na raw ito sa mga meeting sa IATF.
“Kailangan po natin palakasin talaga ’yung ating infrastructure on ICT dahil ito ay malaking bagay na makakatulong as we recover from the pandemic,” sabi ni DOLE Bureau of Local Employment Director and Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay.
Nagpaalala naman ang DOLE na suriing mabuti ng mga mag-a-apply kung lehitimo ang mga kumpanya na nag-aalok ng online teaching na trabaho. – Jamil Santos/RC, GMA News