Nais ng ilang Muslim na mambabatas na imbestigahan ng Kamara de Representantes ang ginawang pag-aresto ng mga pulis nang wala umanong "warrant" sa dalawang negosyanteng Muslim sa Maynila na idinadawit sa droga.
Sa House Resolution 981 na inihain ni Deputy Speaker Mujiv Hataman at anim na iba pang mambabatas na Muslim, hiniling nila sa Committees on Public Order and Safety at Muslim Affairs, imbestigahan ang ginawang pag-aresto kina Saadudin Alawiya at Abdullah Maute noong Araw ng Kalayaan (June 12) sa kanilang tahanan ng mga nagpakilalang pulis mula sa Manila Police District Station 5.
"The primary objective of this probe is to get to the bottom of what happened in the afternoon of June 12 in the residence of the two Muslim traders, get the side of the police, find out if there was really abuse of authority, and study if there is a need for legislation to address an injustice,” sabi ni Hataman, na isa ring human rights activist.
Ayon sa mambabatas, wala umanong arrest at search warrant ang mga pulis nang pasukin ang bahay ng dalawang negosyante.
“Madalas kasi mangyari ang pang-aabuso ng ilan sa ating mga kapulisan, lalo na sa ating mga kapatid na Muslim. At mas lalong nakababahala ito dahil sa napipintong pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill na sa tingin ko ay open na open sa pang-aabuso ng mga magpapatupad nito,” dagdag ng kongresista.
Kabilang si Hataman sa mga mambabatas na bumoto kontra sa anti-terrorism bill.
Ipinaliwanag ni Hataman sa kaniyang pagtutol sa nabanggit na panukala na aabusuhin ng mga nasa kapangyarihan ang probisyon na payagan ang pagdakip at pagkulong sa mga pinaghihinalaang terorista kahit na walang arrest warrant at kaso.
"Ito sana ang gusto nating maiwasan sa kahit na anong polisiya, ang pagmamalabis sa kapangyarihan ng mga nagpapatupad ng batas, lalo na sa mga kapatid nating Muslim na kadalasan ay biktima ng diskriminasyon at profiling," aniya.
Ayon pa kay Hataman, batay sa natanggap niyang impormasyon ay hindi nakipag-ugnayan sa barangay, Philippine Drug Enforcement Agency, at police station sa lugar, ang mga pulis na umaresto sa dalawang negosyanteng Muslim.
Giit ni Hataman, kung talagang sangkot sa droga ang dalawang negosyanteng Muslim, dapat idaan ng mga pulis sa tamang proseso at naayon sa batas ang pag-aresto at pagsasampa ng kaso.
"Good police work should have worked in this case, pero ang nangyari, mukhang gustong ishort-cut ang proseso at the expense of trampling on the human rights of the Muslim traders,” aniya.
"Hindi naman lahat sila (na pulis) ay ganito, mas maraming matitino. Pero may iilan na sumusobra at umaabuso sa kanilang kapangyarihan. Justified siguro ang mas malaking parusa sa abusadong pulis, dahil sila dapat ang nangangalaga sa mga mamamayan,” dagdag niya.
Kasama rin sa pumirma sa resolusyon sina Reps. Ansaruddin Abdul Malik Adiong (Lanao del Sur), Munir Arbison (Sulu), Esmael Mangudadatu (Maguindanao), Yasser Alonto Balindong (Lanao del Sur), Datu Roonie Sinsuat, Sr. (Maguindanano), at Amihilda Sangcopan (Anak Mindanao). --FRJ, GMA News