Isang barangay chairman sa Quiapo, Manila ang patay sa pamamaril nitong Miyerkoles ng gabi, walong taon matapos mapatay ang kaniyang ama na isa ring barangay chairman.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, nagbabantay sa quarantine control point sa Barangay 384 ang biktimang si Abubakar Shariff nang itumba ng mga salarin bandang 11 p.m.
Hindi pa malinaw kung ilan at saan nakasakay ang mga suspek, pero base sa mga basyong nakita sa crime scene, M16 daw ang ginamit ng mga ito para patayin ang biktima.
Nadala pa si Shariff sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival. Sugatan naman ang isang kagawad na kasama niya.
Negosyo at pulitika ang mga tinitignang anggulo sa pagpatay.
Kabilang daw si Shariff sa isang malaking pamilya sa Quiapo na maaaring tawaging "economic power" sa lugar. --KBK, GMA News