Hinigpitan ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang pagpapatupad ng seguridad sa Marikina Public Market para ipatupad ang health at safety protocols matapos na magpositibo sa COVID-19 ang 29 na trabahador sa pamilihan.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, halos kalahati ng mga nagtitinda sa pamilihan ay sarado.
Bilang bahagi ng targeted testing ng lungsod, 2,000 trabahador sa pamilihan ang isinailalim sa rapid testing. Lumitaw na 66 ang "reactive" sa result kaya isinailalim muli sila polymerase chain reaction test at 29 ang nagpositibo.
Dinala sila sa quarantine center ng Marikina.
Para maiwasan ang pagdagsa ng tao sa pamilihan, nagpatupad si Marikina City Mayor Marcy Teodoro ng odd-even scheme sa mga tindahan na puwedeng magbukas sa bawat araw.
Bagaman mababawasan ang kita ng mga nagtitinda, sinabi ni Teodoro na kailangan itong gawin para sa kaligtasan ng mga tao.
“Kung ang kapalit naman nito ‘yong kaligtasan ng pangkalahatan, palagay ko, kaunting kawalan sa kita o sa tubo ay acceptable kaysa sa isara ng buo o i-lockdown ang palengke," anang alkalde.
"Ayaw nating i-lockdown ang palengke kaya nga hindi natin isinasara, nag-a-alternate system na lang tayo,” dagdag niya.--FRJ, GMA News