Patuloy na nadaragdagan ang mga Locally Stranded Individuals (LSI) na nagtitiis at naghihintay ng masasakyang eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para makauwi sa kanilang mga probinsiya. Sa kabila ng kanilang kalagayan, may nagawa pang manloko sa kanila at bentahan ng mga pekeng plane ticket.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dinala sa Villamor Air Base Elementary School ang mga LSIs na tatlong araw nang naghihintay sa NAIA Terminal 3 para doon muna pansamantalang manatili.
Ang mga wala pang medical certificate, isinailalim sa rapid testing.
Ang ibang LSI na walang plane ticket na papunta sa Cotabato, nagbakasali na makalipad dahil may mga kasamahan daw sila na walang mga tiket pero nakalipad papuntang Davao.
"Lahat ng taga-Davao walang ticket nakaalis na eh. North Cotabato na kami. Siyempre matagal na kami dito, ilang buwan na kami, so ginrab namin 'yung opportunity na makauwi," sabi ni Mary Joy Bation.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nakaalis ang mga bumiyahe papuntang Davao sa pamamagitan ng huling sweeper flights noong weekend. Magiging prayoridad daw na maibiyahe ang mga may ticket pero nakansela ang flights.
Pero ilan sa mga LSI na may tiket, natuklasan na peke nang beripikahin.
Mayroon umanong nag-aalok sa mga LSI na tutulong nai-book sila ng eroplano pero ang tanging pakay ay makuhanan sila ng pera.
"Pinresent na sa check in counter 'yung ticket, it turned out fake po 'yung ticket. So nananawagan kami sa ibang mga kababayan natin, hindi ho ito 'yung panahon ng panloloko o panlilinlang sa mga kapus-palad nating kababayan. Nalalagay na nga sila sa hindi magandang sitwasyon, nakukuha pa nating manloko," sabi ni DOTr Assistant Secretary Eymard Eje.
Mayroon din mga manning agencies na nagsasamantala sa sitwasyon at pinapupunta ang mga aplikante sa terminal 3.
"Ginawa ho yata ito ng mga manning agencies para mapalabas lang 'yung mga binabantayan nila or inaalagaan nila. Itutulak po namin 'yung pag-iimbestiga doon sa mga insidente," dagdag ni Eje.
Ang mag-asawang Al Munching Tambuto at Thelma Tambuto, piniling manatili sa NAIA kahit sinabihan na silang kanselado ang kanilang biyahe para maipakita raw ang sitwasyon nilang mga naghihintay na makauwi.
"Kinansel (cancel) na naman ulit hanggang June 6, pagkatapos June 16, ikinansel naging July 13 na po. Hindi na po kami nakakapagtiis ngayon sir kasi panglimang rebook na po namin ito. At saka mas pipiliin pa po naming tumira dito para mapansin po ng karamihan kesa po titira kami sa pinag-uupahan namin, okay lang sana kung may maibabayad sa pinagpaupahan," sabi ni Al, na dating OFW.--FRJ, GMA News