Hiniling ng mambabatas na gawing simple ang proseso at mga requirement na kakailanganin para makautang at makabangon muli ang mga maliliit na negosyanteng naapektuhan ng krisis na idinulot ng COVID-19.
Sa ginanap na virtual hearing ng House committee on micro, small and medium enterprise development, iginiit ni Las Piñas Rep. Camille Villar, na mahalaga ang papel ng Small Business Corp.'s (SBCorp) para matulungang makabawi ang Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs).
"The role of SB Corp. is very important in jumpstarting our economy because more than 95% of businesses in the Philippines are MSMEs so we really need to help them. I believe they are the most affected," ayon sa kay Villar, vice-chair ng komite.
Inanunsiyo kamakailan ng SB Corp. na magbubukas sila ng loan facility para sa mga apektadong MSMEs, na tinawag na Enterprise Rehabilitation Financing-Pondo para sa Pagbabago at Pag-Asenso.
Sa ilalim ng programa, ang mga kompanya na hindi aabot sa P3 milyon ang asset size ay maaaring makautang ng mula P10,000 hanggang P200,000. Ang mga kompanya naman na hanggang P10 milyon ang asset size ay puwedeng makautang ng hanggang P500,000.
Iminungkahi ni Villar na sa SB Corp. na palawakin pa ang impormasyon tungkol sa pautang upang makarating sa kaalaman ng mas maraming maliliit na negosyanteng nalugi dahil sa nararanasang pandemic.
Sinabi pa ng mambabatas na ang malaki ang maitutulong ng MSME sector para makabawi rin ang ekonomiya ng bansa at mabigyan ng trabaho ang maraming tao.
"Small entrepreneurs deserve the help they needed as they do not have the means to survive during these trying times. With the availability of aid, it will keep the sector afloat and help retain their workforce,” paliwanag ni Villar.--FRJ, GMA News