Inihayag ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na maaaring umabot sa 16,500 hanggang 20,500 ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila pagsapit ng June 30, batay sa kasalukuyang pagdami ng kaso.

Ayon kina Professors Guido David at Ranjit , ang reproduction number ng COVID-19 cases sa Metro Manila ay nasa pagitan ng 0.96 at 1.2, na naglalagay sa rehiyon sa "medium to high-risk." 

“‘Pag less than 1 siya, good news ‘yan. Bumabagal ‘yung pagkalat kasi kumokonti ‘yung infection niya,” sabi ni Rye.

Ang unang senaryo kung nasa 0.96 ang reproduction number, ang posibleng mahawahan ng virus sa Metro Manila ay aabot sa 16,500, at 1,070 ang masasawi pagsapit ng katapusan ng Hunyo.

Sa senaryo na 1.2 ang reproduction number, papalo ang bilang ng mga magpopositibo sa virus sa 20,500 at 1,200 ang masasawi sa Hunyo 30.

Ang reproduction number ay patungkol sa "average number" ng puwedeng mahawahan ng isang COVID-19 patient.

Ayon sa mga eksperto, kung ang reproduction number ay higit sa 1, kumakalat umano ang virus. Kung mas mababa naman sa 1, napapadapa na umano ang tinatawag na "curve of infections."

Sa kasalukuyan, nasa 1.2 ang reproduction number sa Pilipinas, ayon kina David at Rye.

Nauna nang sinabi ng mga eksperto na posibleng umabot sa 40,000 ang COVID-19 cases sa buong bansa sa katapusan ng Hunyo.

“‘Yung 1.2, mataas po ‘yan. We have to look at it with caution and kailangan sa government side, lalong paigtingin ‘yung testing, tracing, and treatment initiatives niya,” sabi ni Rye, at ipinayo na dapat gawin ang physical distancing.

Sa ngayon, less than 1 umano ang reproduction number sa Metro Manila. Pero inilalarawan pa rin ng mga eksperto na “battlefields” ng COVID-19 ang rehiyon, kasama na ang Cebu, na halos "2" ang reproduction number.

Hanggang nitong Hunyo 11, mayroong 24,175 COVID-19 cases sa Pilipinas, 5,165 ang gumaling at 1,036 ang nasawi.--FRJ, GMA News