Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na dapat munang kolektahin ng pamahalaan ang mga hindi umano nakokolektang buwis sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) bago nito buwisan ang mga online seller.

"Imbes na online sellers, baka pwedeng singilin muna ang mga POGO na may P50 billion in unpaid taxes?" sabi ni Hontiveros sa isang pahayag nitong Huwebes.

"Hindi 'yung dagdag-perwisyo pa sa sarili nating mga kababayan na kaunti na nga lang ang kita para pandagdag-gastos sa pamilya nila," patuloy niya.

Sa inilabas na Memorandum Circular No. 60-2020 ng Bureau of Internal Revenue, nakasaad na:"all persons doing business and earning income in any manner or form, specifically those who are into digital transactions through the use of any electronic platforms and media, and other digital means shall register to ensure that they are tax compliant."

Dahil sa lockdown na nasa bahay lang ang mga tao at sarado ang mga establisimyento, tumaas ang transaksyon via online para umorder ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ng mga tao.

Nitong nakaraang buwan, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na pinag-aaralan nila na buwisan ang online sales at streaming services.

Samantala nitong Mayo, pinayagan naman na mag-operate na pero limitado ang POGO.

Ayon kay Hontiveros, dapat unahin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga Pilipino.

"Bakit ba ang luwag natin sa POGO pero ang lupit sa mga Pilipino? Kahit na may 50B pesos unpaid taxes sila, at kahit na di essential, pinayagan pa ring mag-operate sa ilalim ng ECQ. Mayroon din silang mass testing, at tayo wala," saad niya.

“Pwede bang kapakanan ng mga Pinoy muna?” patuloy niya.

Bilang sagot sa pahayag ni Hontiveros, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque, na kinokolekta ng pamahalaan ang mga hindi nababayarang buwis mula sa POGO.

“Sinisingil po natin Senator Hontiveros. Hindi po natin sila pinalulusot. Hindi po sila pupuwedeng magbukas hangga’t hindi sila nagbabayad ng kanilang mga buwis,” sabi ng opisyal sa televised briefing.

Idinagdag ni Roque na naghahanap ng paraan ang pamahalaan ng pagkukunan ng pondo upang masuportahan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemic.--FRJ, GMA News