Pansamantalang itinigil ng pamahalaan ang Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa Program para mabigyan umano ng prayoridad ang paghahatid sa lalawigan ng mga taong na-stranded sa Metro Manila.
Ito ang inihayag nitong Huwebes ni National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada Jr. Aniya, nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na tulungang makauwi sa probinsiya ang mga taong na-stranded sa Metro Manila dahil sa ipinatupad ng lockdown.
"This was a clear instruction from the President, unahin pauwiin ang ating mga kababayan na stranded dito sa Maynila and these are the OFWs (overseas Filipino workers), the construction workers, ating mga turista at mga estudyante. That is the arrangement right now,” paliwanag ni Escalada, sa televised briefing.
Ayon kay Escalada, muling ipatutupad ang Balik Probinsiya program kapag natapos na ang pagtulong sa mga na-stranded na tao.
“I foresee that in the next month, let’s say for example July, I think bababa na ang demand ng stranded and therefore [ang] Balik Probinsiya will now take our second rollouts by that time,” saad ng opisyal.
“We want to make sure that on one hand the LGUs (local government units) are ready to receive their own constituents by then,” dagdag niya.
Isinulong ng ilang mambabatas sa pangunguna ni Senador Bong Go ang Balik Probinsya program, na ipinatupad sa pamamagitan ng excutive order na pinirmahan ni Duterte nitong nakaraang buwan.
Layunin ng programa na mabawasan ang mga tao sa Metro Manila, at tutulungan ang sinumang nais na umuwi na sa lalawigan.
Nitong Miyerkules, nanawagan si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr., na suspindihin ang naturang programa matapos na may magpositibo sa COVID-19 na mga umuwi sa kanilang lalawigan.
Kamakailan lang, isang ginang naman sa Pasay City nais sanang umuwi na sa Bicol para makapiling ang mga anak ang pumanaw sa sakit habang naghihintay ng bus na kaniyang magsasakyan sa nakalipas na limang araw.--FRJ, GMA News