Namatay ang isang babae na limang araw umanong naghintay ng masasakyang bus sa Pasay City upang makauwi sana sa kanilang probinsiya sa Bicol.
Sa Facebook post ng netizen na si Nathanael Alim Alviso, kinilala ang nasawi na si Michelle Silvertino, isang single mother at may apat na anak.
Ayon kay Alviso, na kaibigan din ng biktima, naglakad si Silvertino mula Cubao hanggang Pasay City sa pagbabakasakali na makauwi ng Bicol.
Matapos nito, limang araw na nanatili si Silvertino sa isang footbridge sa EDSA habang naghihintay ng bus. Pinaalis pa umano si Silvertino ng Pasay City CENRO Street clearing operatives pero ipinaliwanag ng ginang na isa siyang stranded passenger.
Mayroon ding P6,000 si Silvertino na iuuwi sana sa kanila. Pero hindi man lang umano hinatid ng mga awtoridad ang ginang sa terminal na may mga guard at mga upuan.
Hanggang sa manghina na si Silvertino. May mga dumating na rescuer, pero interview lang umano ang ginawa ng mga ito at sinabing fatigue lamang ang naranasan ni Silvertino, saka sila umalis.
Alas-kwatro ng umaga ng Hunyo 5, Biyernes nang magkaroon si Silvertino ng lagnat at hirap sa paghinga. Hindi umano ito pinansin ng mga opisyal ng barangay dahil hindi naman siya residente.
Alas-singko y media ng umaga nang mawalan na si Silvertino ng malay kaya dinala na siya ng Philippine National Police sa Pasay City General Hospital kung saan idineklara siyang Dead On Arrival. Pinuntahan siya ng Calabanga LGU para kunin sana ang kaniyang katawan pero ayon kay Alviso, inilbing si Silvertino umano ng Pasay LGU sa isang mababaw na libingan.
Tumulong naman umano ang ilang private citizens at binisita ang mga anak ni Silvertino, at tinangkang iuwi ang kaniyang mga labi.
Ayon pa kay Alviso, nawawala na rin ang P6,000 pera ng ginang na dapat sana ay iuuwi nito sa mga anak.
Iniwan na raw si Silvertino at ng kaniyang mga anak ng kanilang padre de pamilya. —Jamil Santos/LBG, GMA News