Umabot na sa 22,474 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos itong madagdagan ng 579, batay sa inilabas na bilang ng Department of Health (DOH) nitong Lunes.
Sa 579 na mga bagong kaso, sinabi ng DOH na 331 sa mga ito ay “fresh” o newly validated, at 248 naman ang "late" na na-validate.
Nadagdagan naman ng 107 ang mga pasyenteng gumaling para sa kabuuang bilang na 4,637. Samantala, walo ang nadagdag sa listahan ng mga nasawi, para sa kabuuang bilang na 1,011.
Kabilang sa "fresh" cases ay 114 na mula sa Metro Manila, 156 sa Region VII, isang repatriate, at ang natitirang 60 ay galing sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Sa mga "late" cases, 106 ang galing sa Metro Manila, lima mula sa Region VII, 31 ang repatriates, at ang 106 na iba pa ay mula sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Sa naturang datos, 16,362 ang active cases na ginagamot o naka-quarantine, 15,627 sa kanila ay "mild" ang sintomas, 660 ang asymptomatic o walang sintomas, 56 ang "severe" at 19 ang kritikal ang kalagayan.--FRJ, GMA News