Patay ang dalawang suspek matapos umanong makipagbarilan sa mga awtoridad na nagsagawa ng drug buy-bust operation sa Parañaque City nitong Sabado, ayon sa ulat ng 24 Oras News Alert.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Danny Apiga at Jin Long Cai na sinasabing kaanak umano ng isang naarestong suspek sa malaking operasyon kontra droga sa Marilao, Bulacan.
Bandang 4:30 ng hapon nitong Sabado, nagsagawa ang Philippine National Police – Drug Enforcement Group at Philippine Drug Enforcement Agency ng operasyon sa Uniwide Coastal Mall, Diosdado Macapagal Boulevard laban sa mga suspek.
Nabilhan ng mga awtoridad ang mga suspek ng dalawang kilong shabu at 14 kilo pa bilang consignment.
Naalarma raw ang mga suspek nang dumating ang backup na sasakyan ng mga awtoridad.
Tumakas ang mga suspek at nakipagbarilan umano sa mga awtoridad hanggang sila ay mamatay.
Nang suriin ang kanilang sasakyan, nakita ang 36 na bloke ng hinihinalang shabu na nakabalot sa paketeng may naka-imprentang mga letrang Chinese. May bigat na 36 na kilo ang nakumpiskang shabu na may halagang aabot sa P244.8 million.
Kinumpiska na rin ng mga awtoridad ang buy bust money na P2 milyon, isang Kia sedan, at dalawang caliber .45 na pistol. —Joviland Rita/KG, GMA News