a
Wala pang alas-sais ng umaga nitong Linggo, Hunyo 7, ay nagbukas na ang isang barbershop sa Quezon City.
Sa kuha ni Super Radyo dzBB reporter Luisito Santos, may customer na kaagad ang isang barberya sa Barangay Ramon Magsaysay pasado alas-singko ng umaga.
WATCH: Maaga pa lamang ay may customer na agad ang barber shop na ito sa Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City sa unang araw ng kanilang pagbabalik-operasyon. | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/oRYQHVHJ9n
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 6, 2020
Magpapagupit ang naturang customer sa barberong naka-mask at gloves.
Nakaayos na nakalatag sa harapan ng salamin ang mga gamit panggupit ng barbero kasama na ang alcohol. Mayroon ding personal protective equipment ang barbero.
LOOK: Maagang nagbukas ang isang barbershop sa Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City sa unang araw ng kanilang balik-operasyon . | via @luisitosantos03 pic.twitter.com/hdvQH8k4ha
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 6, 2020
Ayon kay Richard Frias, may-ari ng barbershop, mag-isa muna siyang maggugupit sa halip na dalawa sila katulad noon.
Hindi rin daw siya nagtaas ng presyo (P60 kada gupit) kahit na may karagdagang gastos para sa mga gamit.
"Alam naman natin hirap ang mga tao sa pera dahil sa pandemic na 'yan kaya hindi ako nagtaas. Umaasa ako na sa mga susunod na araw, lalakas din 'yan (kita)," saad ni Frias.
Alas-nuwebe ng umaga dapat ang pagbukas ng kanyang barberya ngunit nagbukas na siya ng maaga para masilbihan ang mga customer.
Samantala, sa Arnaiz Street sa Pasay City, alas-sais ng umaga pa lang ay may pila na sa labas ng isang barberya kahit na hindi pa ito nagbubukas, ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Dobol B sa News TV.
#BantayCOVID19: Ilang barberya sa Pasay City, pinipilahan na ngayong unang araw ng pagbabalik-operasyon ng mga barbershop at salon. | via Mao dela Cruz pic.twitter.com/JyJBVBkhrH
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 6, 2020
Ayon sa barbero ng nasabing barbershop, sinusunod nila ang patakarang no mask-no entry.
Tatlong customer lang daw ang puwede sa loob ng barberya para masunod ang social distancing.
Bawat barber chair daw ay ginawa ring cubicle at gupit lang ang gagawin ng mga barbero. Wala na raw masahe pagkatapos ng gupit na karaniwang ginagawa matapos ang serbisyo.
Hanggang 5 p.m. lang daw ang operasyon ng barbershop na ito para makauwi ang mga tauhan bago mag-curfew.
Matapos ang mahigit dalawang buwan, pinahintulutan na ng gobyerno na magbukas nitong Hunyo 7 ang mga barbershop at salon sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Puwede na silang mag-operate sa 30% capacity.
Samantala, sa mga lugar na nasa ilalim ng moderate general community quarantine (MGCQ), maaaring mag-operate sa 50% capacity ang mga barberya at salon.
Sa mga lugar na naka-GCQ, pawang mga gupit at hairstyle lang ang puwedeng gawin ng mga barbershop at salon. Hindi muna pinayagan ang pagkulay ng buhok at iba pang serbisyo.
Pinaalalahanan din ng Department of Trade and Industry nitong Sabado ang mga magbubukas na barbershop at salon nitong Linggo na sumunod sa mga itinakdang health protocol.
Kailangang may mga disinfectant at hand sanitizers sa mga nasabing establisimyento at dapat may personal protective equipment tulad ng mask, face shield, at gloves ang mga empleyado.
Inilagay sa GCQ ang Metro Manila nitong Hunyo 1 matapos maisalalim sa enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine bilang pagtugon sa banta ng COVID-19. —KG, GMA News