Matapos maibalita kamakailan ang pag-iyak sa sama ng loob ng isang lolo sa Rodriguez, Rizal dahil walang natatanggap na ayuda, muli siyang nakapanayam at muling naiyak dahil naman ngayon sa tuwa sa natanggap na mga tulong.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing marami pa ring nakatatanda ang naglalakad ng kilo-kilometro patungong city hall sa pag-asang makakahingi sila ng tulong sa lokal na pamahalaan.

Ang 82-anyos na si Gracias Frivaldo, anim na kilometro raw ang nilakad para makahingi ng pinansiyal na ayuda upang madala sa duktor ang asawa niyang na-stroke.

"Hinihingi ko po ay ang ayuda sa pagkain po, sa ospital. Dadalhin palang ang misis ko, na-stroke po," pahayag ni Frivaldo.

Si Linda Jimenez, 78-anyos, na-stroke din umano ang tanging anak.

"Hindi na ho bali ako, 'yung anak ko lang po. 'Yung anak ko lang po talaga. Nag-iisang anak ko 'yun eh," sambit ni Jimenez.

Kabilang umano sina Frivaldo at Jimenez sa iba pang nakatatanda na ilang oras na naghihintay ng ayuda sa labas ng city hall, at lantad sa panganib ng COVID-19.

Ang 78-anyos na si lolo Jose Lagunbay na naibalita kamakailan na naiyak sa sama ng loob sa labas ng city hall, naiyak muli pero dahil na sa tuwa bunga ng natanggap na mga tulong.

Nagtungo noon sa munisipyo si lolo Jose para manghingi ng ayuda para sa misis na na-stroke at anak na may kapansanan.

"Mahirap para sa amin. Hirap na hirap na ako. 'Yung asawa ko hindi makatayo, hindi makalakad. Kaya gusto ko nang maghuramentado. Wala man lang dumating sa amin (na ayuda)," hinanakit ni Lagunbay sa nakaraang ulat.

Sa kaniyang bahay, masayang ibinalita ni Lagunbay ang mga nagpadala ng tulong sa kaniyang pera, bigas at mga pagkain.

Muli siyang naiyak pero ngayon, dahil sa tuwa.

"Hindi ko mapigil yung aking bugso, natutuwa ako. Napakalaking bagay na nito sa amin," saad niya, habang kasama ang kaniyang maybahay at anak na may kapansanan.--FRJ, GMA News