Nagpositibo man sa COVID-19, hindi nagpadaig ang isang doktora mula sa Veterans Memorial Medical Center sa sakit para makapiling pa ang 3-anyos niyang anak.

Sinabi ni Dr. Cess Santos, family medicine chief resident sa naturang ospital, na masakit para sa isang frontliner na magulang tulad niya ang iwan ang anak nang mahigit 24 oras dahil sa kaniyang trabaho, ayon sa ulat ni Athena Imperial sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Takot niya ang panganib na madapuan siya ng novel coronavirus at mahawaan ang anak.

"Basta pagdating ko sa bahay, maliligo po ako muna tapos todo-alcohol. Pati po siya pinag-a-alcohol ko din po," sabi ni Santos.

Hanggang sa dumating ang araw na kaniyang kinatatakutan nang mahawaan siya ng COVID-19. Nakaramdam siya ng sakit sa lalamunan at sipon matapos niyang i-intubate ang isang pasiyente.

Abril 10 nang malaman ni Santos na positibo ang resulta ng kaniyang COVID-19 test.

"Hindi ko alam talaga kung ano ang gagawin ko po noon. Sobrang natulala ako, blangko ako noon. Kasama ko din po kasi sa house 'yung mother ko. 'Yung mother ko is hypertensive. And then 'yung anak ko, three years old pa lang so they are susceptible individuals," anang doktora.

Naging pinakamahirap daw sa kaniya nang hindi niya makapiling ang anak sa halos tatlong linggo.

"Nakakabaliw talaga na ikaw lang mag-isa. Actually normal talaga na maging emosyonal, magkaroon ng anxiety attacks," sabi ni Santos.

Pero nang mag-negatibo na nang dalawang beses ang COVID-19 test niya, una niyang pinuntahan ang anak sa kuwarto nito.

"Bumaba po ako sa kaniya para tabihan siya habang tulog tapos niyakap-yakap ko talaga siya tsaka sobrang kiniss (kiss) ko siya," sabi ni Santos.

"Labanan lang natin lahat ng negativities na naiisip natin, kasi kahit na mild case ka lang, pero kung kakainin ka ng negativity sa utak mo, puwedeng mag-progress 'yung illness mo. Gawin lang nating inspirasyon 'yung mga anak natin na magpalakas," mensahe ni Dr. Santos sa mga inang COVID-19 patients. —Jamil Santos/KG, GMA News