Iba't ibang sumbong ang naglalabasan laban sa mga opisyal ng barangay tungkol sa umano'y mga katiwalian sa pamamahagi ng ayuda. Sa Caloocan City, isang kapitan ng barangay ang sinasabing binabawi ang perang ipinamimigay sa mga benepisaryo ng social amelioration program (SAP) para hatiin.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang inirereklamong kapitan ng barangay na si Lee Vitug ng Barangay 127.

Sa isang video, kasama raw ni Vitug ang isang barangay executive officer na si Vic at isang babaeng nagngangalang Lina, habang iginigiit sa isang SAP beneficiary na ibigay ang halahati sa natanggap na P8,000 na ayudang pinansiyal.

"Ako nga nagbigay. Ako nga nagpaalala na bibigyan kayo, eh. Kaso nga may kahati-hati kayo," madidinig sa video na boses umano ni Vitug.

Pagkaalis ng grupo ni Vitug, sinabi ng nagsumbong na isang lalaki ang dumating sa kanilang bahay para kunin ang kalahati ng perang ayuda.

"Hindi po ako pumapayag kaya lang nung natakot rin po ako kasi parang hinaharas na po kami. Sabi kahit dalawang libo na lang daw ho. Kaya inabot ko na lang ho 'yung dalawang libo," anang nagsumbong.

Ang isang pang residente ng barangay, sinabing P4,000 lang ang ibinigay sa kaniya ng isang kagawad.

"May dala siyang 4,000 [...] 'yung kagawad ng barangay tapos po binibigay niya sakin. Sabi ko hindi ko makukuha yan dahil wala naman akong form, bakit ganyan kalahati? Sabi ko ibalik mo 'yan," ayon sa residente.

Itinanggi naman ni Vitug ang alegasyon at sinabing boluntaryong ibinibigay ng ibang residente ang kahati ng ayuda na kanilang natanggap.

"Wala hong katotohanan ho 'yun. Lahat ho direstyo hong ibinigay sa mga tao ang pera ng DSWD ho. Tayo po ay nag-assist lang sa mga tao, mga kabarangay natin," paliwanag niya.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, marami na silang natatanggap na reklamo na may mga kapitan ng barangay na hinahati ang ibinibigay na ayuda mula sa pamahalaan.

"Bawal na bawal yan. Wala kang authority para hatiin ang pera na yan dahil yan ay pinondohan natin and that is intended for one beneficiary," pahayag ng opisyal na nagsabing mananagot ang mga opisyal ng barangay na sangkot sa katiwalian

Sa Quezon City naman, inirereklamo ang misis ng isang kagawad sa Barangay Matandang Balara dahil nanghihingi umano ng "donasyon" na P500 para sa grupo nitong Old Balara Ladies Brigade, upang makasama sa mabibigyan ng pinansiyal na ayuda.

Sa ulat ni Saleema Refran sa "24 Oras," nakuhanan ng video ang pakikipag-usap ni Maricris Esteban, para ipaliwanag sa kausap na nais makakuha ng ayuda tungkol sa patakaran niya para sa Old Balara Ladies Brigade.

"Ganito kasi 'yan, beh. 'Pag mayroon kasi akong binibigyan ng form, humihingi po ako ng kaunting tulong para sa samahan [...] Nang nagbigay ako ng form, sabi ko unahin ang mga Ladies Brigade," sabi ni Esteban.

Ayon kay Esteban, mapupunta raw ang donasyon sa mga miyembro ng Old Balara Ladies Brigade na hindi nakasama sa SAP.

Idinepensa rin niya kung bakit siya ang namamahagi ng SAP form ng mister na kagawad.

"'Yan po ay galing po sa ating barangay. Kung sino lang po 'yung mga pangalan na inibaba ng barangay na galing doon po 'yun lang po 'yung tinatawag namin," pahayag niya."Nagkataoon naman po na maraming Ladies na lumabas doon sa SAP form na 'yun."


Sinabi pa ni Esteban na ibinalik daw niya ang pera ng kausap niya sa video.

"Malinis ang konsensya ko. Wala po akong ginagawang masama. Kung sino man po ang nag-video niyan, sana vinideo mo ang lahat, pati 'yung pagbalik ko ng pera sa iyo," giit niya.

Sinabi naman ni Allan Franza, hepe ng barangay, na hindi dapat ang asawa ng barangay official ang namamahagi ng SAP form.

Hindi rin umano batid ng barangay ang ginagawa ni Esteban.

May kapitan din ng isang barangay sa Quezon City ang inirereklamo na hinahati rin umano ang ibinibigay na ayudang pinansiyal.--FRJ, GMA News