Kahit hindi inirerekomenda sa mga nakatatanda na lumabas ng bahay dahil sa panganib na dulot ng COVID-19, napilitan pa rin ang isang 94-anyos na lola na mag-isa na sa buhay na makipila upang makakuha kahit form ng social amelioration program (SAP). Pero umuwing bigo ang nakatatanda.
Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hindi nabigyan si Lola Magna Aparece ng SAP form noong nakabigayan pero pumila siya sa isang payout center sa Bagong Silang, Caloocan, kung saan namamahagi na ng perang ayuda.
"Wala akong pamilya, mga anak ko nangamatay na. Ako'y nakikitira lang [...] Mag-apply sana... bahala na si Lord," sabi ni Lola Magna.
Ayon sa social worker na si Rochelle Fernando, marahil ay inakala ni Lola Magna na para sa pagkuha ng form ang pila na pinuntahan.
Pero kahit nahahabag si Fernando sa matanda, wala siyang magawa dahil wala siya sa listahan. Kahit sa susunod na bigayan, hindi rin sigurado.
"Mahirap po na ipapangako mo tapos, di ba, sermon. Kaya hindi rin po kami nag-a-ano. Lagi ko po sinasabi kung meron man, malalaman din naman nila, makakarating din 'yun dahil ibabahay din naman po 'yon," ani Fernando.
Ang tangi umanong magagawa ni Fernando ay isama sa ulat ang kaso ni Lola Magna para makarating sa kinauukulan.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News