Arestado ang isang lalaki matapos umanong magpanggap na habal-habal rider at manghalay ng isang call center agent sa kabila ng ipinaiiral na enhanced community quarantine, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Biyernes.
Ayon sa biktima, pauwi na siya sa inuupahang condominium unit sa Makati City nitong Martes ng gabi nang alukin siyang isakay ng suspek. Ilang checkpoint daw ang nalusutan nila hanggang sa makarating sa Sta. Cruz sa Maynila.
Ayon naman kay Police Lieutenant Colonel Rey Magdaluyo, station commander ng Manila Police District Station 3, maaaring sa "shortcuts" dumaan ang suspek kaya nalusutan ang checkpoints.
Sa isang motel daw dinala ng suspek ang biktima kung saan naganap ang panghahalay. Matapos ang panghahalay, hinatid ng suspek ang biktima sa Pasay City.
Nakilala ang suspek nang maalala ng biktima ang pangalan nito na nakalagay sa kaniyang home quarantine pass: Mark Anthony S. Nati.
Sa pamamagitan ng social media ay natunton ang suspek, na aminado sa kaniyang nagawa.
"Hinalay ko po, ano lang po ako sa pag-iisip," ani Nati, security guard sa isang bangko na nahaharap sa kasong rape.
Iniimbestigahan din ng otoridad ang motel na pinagdalhan sa biktima dahil hindi raw dapat ito nago-operate dahil sa ECQ. --KBK, GMA News