Sugatan ang mag-ama sa Barangay Sto. Niño, Parañaque City matapos mauwi sa saksakan ang hatian ng mga residente na tulong pinansiyal mula sa gobyerno.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "24 Oras" nitong Linggo, hindi raw bababa sa 15 ang hindi nabigyan ng tulong sa compound.

Dahil dito, nagkasundo ang magkakapitbahay na mag-ambag ang lahat ng nakakuha ng pera mula sa Social Amelioration Program para mabigyan ang mga walang natanggap.

Mahigit P1,300 ang napagkasunduang ibibigay ng mga nakakuha ng ayuda pero nang makuha na ang pera noong Biyernes, nagbago umano ang isip ng suspek na si Peter Tolentino.

Kinompronta at pinagsasaksak ng suspek ang nagongolekta ng kontribusyon na si Leo Lubiano.

Dalawang saksak din ang tinamo ng ama ni Leo na si Arnel na nagtangkang pigilan ang suspek.

Agad naman daw rumesponde ang barangay kaya naitakbo ang mag-ama sa ospital.

Inaresto ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa headquarters ng Parañaque City Police.

Base sa paunang imbestigasyon, tila nakainom pala ang suspek.

Hindi na nakakuha ang GMA News ng pahayag mula sa suspek dahil ayon sa Parañaque Police, hindi muna sila tumatanggap ng dalaw dahil sa banta ng COVID-19.

Samantala, inoobserbahan pa rin sa ospital si Leo. — Ma. Angelica Garcia/BM, GMA News