Sinita ng mga pulis nitong Sabado ang ilang lalaking lumabag sa enhanced community quarantine sa Caloocan City.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras News Alert nitong Linggo, ang isa sa mga nahuli ay sumemplang pa sa motor dahil sa tangkang takasan ang mga pulis sa Barangay 158.
“‘Di po siya huminto sa checkpoint namin, binalewala niya ‘yong checkpoint namin. Lalapitan na siya bigla niyang hinarurot ‘yong motor. Noong hinabol namin, dahil maraming humps doon, naaksidente siya,” pahayag ng arresting officer na si Police Corporal Jerry Salatamos.
Aminado naman ang lalaki na nakainom siya pero hindi naman daw siya lasing.
“Natakot ako dahil student lang ‘yong dala ko,” sabi ng suspek.
Hindi kinulong ang lalaki pero binigyan ng ticket dahil sa paglabag sa curfew, hindi pagsusuot ng helmet, driving with student permit at paggamit ng hindi rehistradong motorsiklo.
Samantala, ang dalawang lalaking nagpakilalang basurero, hinuli ng pulis dahil walang suot na face mask habang natutulog sa lansangan.
“Mahirap naman pong matulog na may mask,” pahayag ng ng lalaki.
Binigyan sila ng pulisya ng face mask, hindi na binigyan ng ticket at ipapaubaya na lang sa barangay angdalawa. —Ma. Angelica Garcia/LBG, GMA News