Idinaan ng isang 74-anyos na lolo sa pagsayaw mula sa wheelchair ang kanyang tuwa matapos silang parehong gumaling ng kanyang anak sa COVID-19.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras," makikita ang pagsorpresa ng mga medical staff ng Mary Johnston Hospital kay Lolo Sotero Agot, 74, at si Joseph Agot, 44, nang magnegatibo na sila sa naturang virus.

Pero ang mga medical frontliner pa ang nasorpresa nang biglang tumayo si Lolo Sotero at umindak mula sa kaniyang kinauupuan.

"Nagsayaw si Tatay Terry, nagulat kaming lahat akala ko tatayo lang at mag-te-thank you but he was really in a celebratory mood. At I think that's how it was, it was a victory over this disease," sabi ni hospital director Dr. Glenn Roy Paraso.

Bago nito, hindi naging biro ang pinagdaanan ng mag-ama, dahil pumanaw ang kanilang ilaw ng tahanan.

"It was really a rocky start because he came in and he was already depressed because he was infected from his wife who actually passed away two days before," ayon pa kay Paraso.

Si Joseph naman, kagagaling lang umano mula sa thyroid cancer.

"Ganiyan talaga, may mga pagsubok na dumarating, pero huwag kang mawalan ng pag-asa, trust God na Siya 'yung magpapagaling sa 'yo," sabi ni Joseph.

"Actually wala akong balak tumayo. Ang sa akin lang, pasasalamat, pinagaling ako ng Panginoon," ayon naman kay Lolo Sotero.

Sumasailalim pa sa ngayon sa 14-day quarantine ang mag-ama para makasiguro sa kanilang paggaling.

"Huwag mawalan ng pag-asa, just pray to God for healing, trust God na whatever happens, good or bad, still, God is good, He is sovereign, He is in control of everything," sabi ni Joseph. —Jamil Santos/LBG, GMA News