Arestado ang ilang mga hacker umano, kabilang ang isang walong buwang buntis, na mga nagpapanggap na taga-bangko para makapagnakaw sa mga bank account sa gitna ng enhanced community quarantine. Ang grupo, nakakulimbat na ng milyon milyong piso mula sa kanilang mga biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing modus nila na magpadala ng e-mail, SMS at message blasts sa social media para makuha ang detalye ng mga bibiktimahin.

Mag-aabiso silang may sumusubok kunwari na may nangha-hack sa bank account ng biktima para i-click nila ang isang link. Pero kapag nag-click na ito ng biktima, maililipat na ng mga hacker ang kanilang pera mula sa kanilang account papunta sa mga biniling ATM cards.

Arestado ang mga suspek sa ginawang magkakasunod na follow-up operation ng NBI.

Sa isang video, makikita ang ginagawang panglilimas online ng pera ng mga hacker mula sa siyam na bank accounts mula sa iba't ibang bangko. Nakuha ang footage mula sa isang cellphone ng suspek na nanlambat ngayong panahon ng ECQ.

Ipinost pa ng mga hacker sa kanilang group chat ang na-withdraw na pera nang makumpleto ang ginagawa nilang panloloko.

Nakabiktima sila ng mga OFW, mga guro, negosyante at ordinaryong empleyado sa ilang oras lang na pag-phishing, kabilang ang isang seaman na dumulog sa NBI Laguna.

Sinabi ng biktima na may natanggap siyang text message na inaalok siya ng sim upgrade para maging LTE.

Nang pumayag siya, may tumawag sa kaniya para humingi ng personal na detalye. Pagkabigay niya sa mga ito, bigla raw siyang nawalan ng cellphone signal. Kumilos na pala ang mga hacker para nakawin ang P200,000 ipon niya sa bangko.

"Masyado akong nasaktan, kasi kumbaga sabi ko sa sarili ko, sa dami-dami ng tao na milyones pa 'yung mga pera, ako hindi naman kalakihan. Although pera, masakit po sa akin, pinaghirapan ko po 'yan sir," sabi ng isang lalaking biktima.

"Ang bangko, hindi mo naman kaagad mapuntahan so lahat tayo nag-o-online. 'Yung mga cyber criminals na 'yon, cinapitalize nila 'yan, anticipating na lahat tayo mag-o-online, so nagkaroon sila ng massive phishing," sabi ni Atty. Vic Lorenzo, Chief, BI Cybercrime Division.

Milyung-milyong pisong halaga na ng pera umano ang nakulimbat ng mga ganitong klase ng grupo.

"Sir may pamilya rin po kasi ako sir eh kaya nagawa ko po," sabi ng isang suspek.

Patuloy ang follow-up operation ng NBI laban sa iba pang kasabwat ng malaking sindikato ng hackers.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Bayanihan We Heal As One Act ang mga naarestong suspek. — Jamil Santos/DVM, GMA News