Habang todo sa pagtitipid ng maraming mga residente sa Kamaynilaan, halos bahain naman ang isang bahagi ng Project 8 sa Quezon City dahil sa tumagas na main pipe ng Maynilad.

Sa ulat ni Mai Bermudes sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing pumutok ang tubo ng Maynilad sa lugar bandang alas-dos pa umano kahapon ng hapon at magsimulang bumulwak ang tubig.

Ayon sa ilang residente, nagulat na lamang sila nang makitang umaagos ang tubig sa kanto ng Benefits at Grant Streets.

"Biglang lumabas na lang iyong tubig sa gutter. Bigla-bigla na lang, malakas maraming taong dumadaan, iyong iba umiiwas na lang sa basa,"  salaysay ni Jonathan Fernandez, isang residente.

"Iyong nagbabayad ng mga minimum sa tubig, siguro lalaki iyong bayarin nila sa bill," pahayag naman ni Jude Belen, isa ring taga-doon sa lugar.

Agad naman umanong ipinagbigay-alam ng ilang residente sa barangay ang pagtagas ng tubo.

"Papatayin ang switch niyan.  So marami ang mawawalan ng tubig dito habang ginagawa yan kasi hindi biro iyong tubig na lumalabas ngayon eh,” ayon kay Edelmiro Tidoy, peace officer ng Barangay Sangandaan.

Maghahatinggabi na umano dumating sa lugar ang contractor ng Maynilad upang kumpunihin ang sirang tubo ng tubig. —LBG, GMA News