Humihingi ng tulong at pagkain ang nasa 300 pasaherong Chinese na stranded sa Ninoy Aquino International Airport dahil hindi sila makabiyahe pabalik sa kanilang bansa sa China bunga ng travel ban dulot ng pag-iingat sa novel coronavirus.
Sa ulat ni GMA News stringer Ariel Fernandez sa Dobol B sa News TV nitong Lunes sa GMA News TV, sinabing marami sa mga pasahero ang nagtungo sa paliparan nitong Linggo.
Humihingi sila ng tulong sa Chinese Embassy at pamahalaan ng Pilipinas, dahil marami sa kanila ang hindi kayang bumili ng makakain at maiinom, at mayroon ding mga nakatatanda.
"Our flight was canceled right before we boarded the plane (yesterday). But we have already completed the check-in procedure and yet boarding hard," sabi ng isang dayuhang pasahero sa Super Radyo dzBB.
Ang mga dayuhan ay mga pasahero umano ng Cebu Pacific na dinala sa NAIA Terminal 1 mula sa Terminal 3.
Kumikilos na umano ang Chinese Embassy at Cebu Pacific para tugunan ang sitwasyon.
Nag-aalala rin ang mga pasaherong Tsino dahil wala pang katiyakan kung kailan sila makalilipad pauwi sa kanilang bansa sa China.
Sabi ng isang pasahero sa GMA News: "We're all Chinese and we want to go home back to China. But due to the flights canceled, we have no flights to go home."
"I mean, because of the virus stuff, it's good to have the bolt, the gate, to keep the Chinese to get in. I totally understand, okay. But to keep the bolt to keep Chinese from going out, it's no good," dagdag niya.
Sa isang ulat naman sa "Balitanghali" ni Ivan Mayrina nitong Lunes, isang mag-ina na pabalik sa Hong Kong ang nagkahiwalay sa airport dahil sa kalituhan sa travel ban.
Hindi umano pinayahan si Andrea Roa Buco, isang Pinay na Philippine passport holder pero permanent resident sa Hong Kong sa nakalipas na 20 taon, na makalipad at isasailalim pa umano sa quarantine kahit paalis na siya ng bansa.
Pero ang kaniyang anak na lalaki na British passport holder, pinayagang makaalis ng bansa sakay ng Cathay Pacific flight.
Dahil sa novel coronavirus, nagpatupad si Pangulong Rodrigo Duterte temporary travel ban mula sa China at special administrative regions na Hong Kong at Macau.
Ilang airlines din ang pansamantalang kinansela ang kanilang biyahe patungong China bilang pag-iingat.--FRJ GMA News