Nasa 13 katao na ang nasawi sa pananalasa ng bagyong "Tisoy" sa Regions V, VIII, CALABARZON at MIMAROPA, ayon sa mga awtoridad nitong Miyerkules.

Sa impormasyon na mula sa Police Regional Office 5, sinabing may tig-isang nasawi sa Bicol region na mula sa Libmanan, Camarines Sur; Bulan, Sorsogon; Sorsogon City; Goa, Camarines Sur; at Pili.

Isa naman ang nasaktan sa Polangui, Albay matapos mabagsakan ng puno.

Ayon naman sa MIMAROPA Police Regional Office, lima ang nasawi sa Oriental Mindoro na sina Ildefonso Reyes Delos Santos, Jessie Santos, Efren De Guzman Cueto, Domindor Motol Lazo. Isa naman ang nasawi sa Marinduque na kinilalang si Bernabe Minay Lundag.

Isa naman ang nasawi sa Ormoc City na nabagsakan ng puno, ayon sa Office of Civil Defense sa Region VIII.

Sinabi naman ng Police Regional Office-CALABARZON, na dalawa ang nasawi sa kanilang nasasakupan dahil sa bagyo.

Ayon naman sa Catanauan Municipal Police Station, isang Rafael Palma mula sa Barangay Gatasan ang nasawi dahil din sa pagbagsak ng puno.

Kidlat naman ang kumitil kay Joe Quito Sta. Ana, ng Barangay Sibulan, ayon sa Polilio Municipal Police Station.

Sa 6 a.m. situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabing 495,408 katao o 123,912 pamilya ang binigyan ng ayuda sa Regions III, V, VIII, NCR at MIMAROPA.

Nasa 38 kabahayan din ang umano ang napinsala sa Regions V, VI, CAR and CARAGA. Sa naturang bilang 18 bahay ang nawasak.

Apat na uli na tumama sa kalupaan si Tisoy sa Gubat, Sorsogon; San Pascual, Masbate; Marinduque; at Naujan, Oriental Mindoro.

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa Miyerkules ng gabi o Huwebes ng umaga.—FRJ, GMA News