Sugatan ang isang lalaki sa Pasig matapos saksakin sa mukha ng kaniyang kapitbahay na nakaaway niya dahil sa parking ng motorsiklo, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang ipinaparada ng isang lalaki ang kaniyang motorsiklo sa Barangay San Miguel pasado 1 a.m. nitong Miyerkoles. Mahahagip sa CCTV ang isang lalaking nakasumbrero na biglang bumwelo at sinaksak ang rider ng motorsiklo.

Tumakas ang suspek nang may mga umawat.

Unang nasaksak sa pisngi ang biktimang si Jomar Millar. Kinailangan ng 10 tahi para maisara ang malalim na hiwang dulot ng pananaksak. 

Tatlong tahi naman ang kinailangan sa tinamo niyang sugat sa kamay nang salagin niya ang suspek.

Naglagay pala ng CCTV si Jomar para talaga sa lalaking nanaksak sa kanya na kinilalang si Jayson Angeles, kapitbahay niya. Isang buwan na raw ang nakakaraan nang pagbantaan ni Jayson si Jomar.

Pinaghahanap na ngayon si jayson ng Pasig Police. —KBK, GMA News