Huli sa buy-bust operation sa Quezon City ang isang pulis-Malabon matapos niyang bentahan ng mga ilegal na armas ang isang undercover buyer ng National Bureau of Investigation (NBI). Ang mga kliyente umano ng suspek, mga "hitman" at kriminal.
 
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, kinilala ang suspek na si Police Corporal Jhune Restie Elias, na nakatalaga sa warrant section ng Malabon Police.

Naaresto si Elian sa isang convenience store sa Quezon City ng mga operatiba ng
NBI-MIMAROPA at NBI-NCR matapos ang isinagawang buy-bust.

Nakita sa sasakyan ng suspek ang iba't ibang armas kabilang ang isang armalite, limang .45, isang 9mm na baril at halos 1,000 na bala na ibebenta sa nagpanggap na buyer ng NBI.

"Siya ang nag-a-alok... Nagmamalaki na kahit anong caliber ng baril meron sila at meron pang inoffer na AK-47 na hindi lang nakasama sa transaksyon," ayon kay Atty. Rommel Vallejo, Regional Director, NBI-MIMAROPA.

Nagbebenta rin umano ang suspek ng metal decal ng MalacaƱang, bukod pa sa mga armas.

Ayon sa NBI, na grupo ng kriminal at "hitman" ang kadalasang kliyente ni Elias.

Nakita rin na burado na ang mga serial number ng karamihan sa mga nakitang baril.

Base pa sa nakalap na impormasyon ng NBI, galing sa mga tiwaling pulis ang ilan sa nakuhang mga baril na nakukumpiska sa mga police operation.

"They'll be subjected for further verification by our forensic investigation to check whether or not these firearms were used in the various criminal activities especially in the EJK cases," ayon kay Atty. Ferdinand Lavin, Deputy Director, NBI.

Hinahanap na ngayon ng NBI ang ibang mga napagbentahan ng baril ng suspek at ang mga taong pinanggalingan ng mga baril.

Hindi naman nagbigay ng pahayag si Elias.--Jamil Santos/FRJ, GMA News