Bagaman may paparating na siyam na bagong tren ang Philippine National Railways (PNR) sa Disyembre, kulang na kulang pa rin daw ang mga ito para mabigyan ng magandang serbisyo ang mga pasahero. Bukod dito, wala umanong nakuhang pondo ang ahensiya para bumili ng dagdag pang mga tren sa susunod na taon.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Martes, ipinakita kung gaano nagsisiksikan ang mga pasahero ng PNR na may biyaheng Tububan sa Maynila hanggang Calamba sa Laguna.
Sa 62 kilometrong ruta ng tren ng PNR, umaabot sa P44 ang pamasahe nito sa ordinaryo at P55 naman sa aircon.
Dahil sa mas murang pamasahe at iwas-trapik, hindi raw nakapagtatakang marami ang nagtitiis na makipagsiksikan sa mga tren patungo sa kanila-kanilang destinasyon.
Sa isang nag-viral na video kamakailan sa social media, makikita na sa sobrang siksikan ng mga pasahero, may ibang pasahero na hindi na nagawang makababa sa kanilang destinasyon dahil sinasalubong na sila ng mga bagong pasahero na sasakyan.
Paliwanag ng pamunuan ng PNR, sadyang kulang ang kanilang mga bagon na nasa 11 train sets lang para mabigyan ng magandang serbisyo ang tinatayang 200,000 pasahero kada araw.
Bukod doon, ang mga ginagamit daw nilang mga tren ay nasa 40 hanggang 50 taon na ang edad kaya hindi maiwasang magkaaberya.
Sa Disyembre, siyam na bagong tren ang inaasahang darating.
Tatlong taon umano ang itinagal bago magawa ang mga tren.
Para maging disente ang serbisyo ng PNR, dapat daw ay nasa 30 ang kanilang train sets.
Pero sa panukalang budget para sa taong 2020, sinabing walang pondong ibinigay sa PNR para makabili sila ng mga bagong tren.
Sa P8 bilyon na iminungkahing pondo na hiningi umano ng PNR, P1.6 bilyon lang ang ipinagkaloob sa ahensiya.
"Puwede na kaming mag-service to legazpi. Ang problema namin, ang Metro Manila alone kulang na kulang talaga yung tren natin," sabi ni Junn Magno, PNR-General Manager. "The government kailangan talaga maghabol sa investment on new trains." -- FRJ, GMA News