Patay ang isang construction worker matapos siyang pagbabarilin habang natutulog sa labas ng bahay sa Sampaloc, Maynila. Ang salarin, umalis na parang walang nangyari matapos gawin ang krimen at sumakay sa itim na SUV.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing naganap ang pamamaril sa biktimang si Bong Medina, sa Lerma Street.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang suspek na nakasuot ng hooded jacket at may face mask na pumasok sa eskinita kung saan natutulog ang biktima. Nang makita niya si Medina, sunod-sunod niyang pinaputukan ang biktima at saka umalis.

Ayon sa ilang residente sa lugar, madalas lang umistambay sa kanila ang biktima na isang construction worker at magaling din umanong maglilok ng mga imahen.

Nangangamba rin ang mga taga-barangay sa dumadaming insidente ng pananambang sa kanilang lugar na umabot na umano sa apat sa loob lamang ng tatlong buwan.

Aminado naman ang ina ng biktima na gumagamit ng droga ang kaniyang anak pero mabait daw ito at masipag.

Wala rin daw siyang alam na kaaway ng kaniyang anak.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Manila police district para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.--FRJ, GMA News