Dalawang pasahero ang sugatan matapos mabasag ang sinasakyan nilang tren ng LRT Line 1 sa Carriedo station.
"Kaninang 1:50 p.m. sa UN station natin ay binuksan ng isa nating pasahero ang bintana, kaya ang resulta ay nabasag ang bintana," ani Sweeden Ramirez, ang tagapagsalita ng LRT Line 1.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa "Quick Response Team", ang pasahero nag-bukas ng bintana, si George Liberato, ay itinurn-over na ng Light Rail Manila Corporation (LMRC) sa mga pulis at dinala sa Central Terminal upang sumailalim sa imbestigasyon.
Ang resulta ay ang magiging basehan ng maaring parusa o multa ni Liberato.
Sinubukan raw buksan ni Liberato ang bintana upang mas lumamig ang tren, ayon kay Ramirez.
"Upon checking naman po lahat ng ating air-conditioning unit sa LRT na kanyang sinasakyan ay nag wo-work naman," ani Ramirez.
Ang mga biktima ay ginamot agad ng Philippine Red Cross pagrating ng tren sa United Nations Avenue Station.
Ang nasirang tren ay pinababa sa linya upang sumailalim sa pag-aayos. Inaalam pa raw ng LMRC kung magkano ang presyo ng pag-aayos.
"[H]indi naman kalakihan dahil isang glass window lang iyon. Again yun' po'ng pagka-basag no'on ay nakaabala parin sa byahe nung ating mga pasahero. So kahit pa maliit lang yung cost no'on, we will make sure na hindi na talaga mauulit yung ganoong aksidente," ani Ramirez.
Pinaalalahanan ng LRMC na sumunod ang mga pasahero sa patakaran sa pagsakay ng tren para sa kanilang kaligtasan. —Joahna Lei Casilao/NB, GMA News