LOS BAÑOS—Apatnapu’t limang taong gulang na sana si Allan Gomez kung hindi naputol ang kanyang buhay ng isang trahedya noong 1993, nang dukutin sila ng kapwa UP student na si Eileen Sarmenta.
Pinagsamantalahan si Eileen at saka pinatay.
Natagpuan ding patay si Gomez.
Dalawampu't anim na taon matapos ang trahedya, napaulat na lalaya na ang pangunahing personalidad na convict sa kaso—si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.
Kaya naman, tila nagbalik ang hapdi na nararamdaman ng pamilya Gomez.
“Napakabigat. Parang pinipiga yung puso namin ngayon. Tapos bukod doon, siyempre nandun yung takot. Nandun yung fear. Ever since naman meron," sabi ng kuya ni Allan na si OJ.
"Pero hanggang ngayon, yung peace of mind nawala. I thought we are going to be okay na, pero bigla 'yan. May dumarating,” ang dagdag pa niya.
Natagpuang wala nang buhay si Sarmenta sa Calauan.
Sa Barangay Imok sa Calauan naman natagpuan ang wala nang buhay na si Allan.
Ang kanilang ina na si Iluminada, idinaan sa pagsulat ng mga liham sa anak ang pangungulila
Kaya tila hindi raw patas na lalabas na si Sanchez.
“Siyempre sabihin na nating unfair medyo mahirap mahirap iano yan din napi-feel natin it’s a, nasaan ba ang hustisya natin. Where it is going?” malungkot na pahayag ni OJ.
Sa tingin din ng kuya ni allan, hindi raw sapat ang panahon sa piitan ni Sanchez.
Ang itinakdang kompensasyon ng korte, wala rin daw silang nakuha.
“I dont know kung na-serve ba o natapos ba yung ano. I guess hindi pa eh. Parang yun yung feeling. May personal feeling na kulang pa,” sabi ni OJ.
Pinag-aaralan na ng pamilya ang kanilang susunod na legal na hakbang. —NB, GMA News