Sinampahan ng reklamo sa Prosecutor's Office sa Parañaque City ang mismong mister ng ginang na natagpuang tadtad ng saksak sa kanilang bahay noong June 11.

Kasama sa itinuring "person of interest" ng pulisya si Noel Torres matapos na matagpuang naliligo sa sariling dugo at tadtad ng saksak ang kaniyang misis na si Cristine, ayon sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes.

Pagnanakaw ang unang nakitang motibo sa krimen dahil natadnan din na nakabukas ang vault sa bahay, nawala ang kuwintas, cellphone, at ilang halaga ng pera.

Sa nakaraang panayam kay Noel, sinabi nito na boluntaryo siyang nagpaimbestiga sa pulisya para patunayan na wala siyang kinalaman sa sinapit ng kaniyang maybahay.

Nag-alok pa siya ng P500,000 hanggang P1 million para mahuli ang kriminal.

Pero ayon sa ulat, mismong kapatid ni Cristine ang nagsampa ng reklamo laban kay Noel.

Tumanggi na ang Parañaque police na magbigay ng detalye tungkol sa kaso, at kung bakit si Noel na ngayon ang kinasuhan.

Wala pang pahayag si Noel sa isinampang reklamo laban sa kaniya.--FRJ, GMA News