Apat na miyembro ng pamilya kabilang ang isang 5-taong-gulang na lalaki ang walang awang pinatay sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Marilog, Davao City noong Martes ng gabi.

Ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, pinagsasaksak at pinagbabaril ng suspek sina Liza Ponce, ang mga anak niyang sina Christine at Ana, 13, at ang anak ni Christine na si Reniel, 5.

Natukoy ang suspek bilang si Rey Alba na isang CAFGU Active Auxiliary (CAA) member.

Kinabukasan ay nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad kung saan napatay si Alba matapos itong manlaban umano sa mga operatiba.

Kuwento ni Police Major Estrillo Ramiso, hepe ng Marilog police: "Na-corner naman siya mga 1:30 p.m. kasama namin ang mga army at pulis. Sa halip na sumuko siya, nagpapaputok pa ito sa amin, kaya wala kaming ibang nagawa kundi gumanti sa kanya."

Base sa imbestigasyon, posible raw na paghihigante ang ugat ng krimen dahil minsan nang sinampahan ng kaso ang suspek dahil sa panggagahasa umano nito sa isang kamag-anak ng mga napatay na biktima. —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News