Sa nakalipas na dalawang araw, dalawang malakas na lindol ang tumama sa Pilipinas na nasa "Pacific Ring of Fire." Balikan ang iba pang malalakas na paglindol na tumama sa bansa sa nakalipas na ilang dekada.
Nitong Lunes, naranasan ng Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon ang 6.1 magnitude na lindol. Nasundan ito nitong Martes ng magnitude 6.5 sa Eastern Samar.
Noong Hulyo 16, 1990, nagkaroon ng 7.8 magnitude na lindol sa halos buong Luzon na nagpaguho sa five-star hotel na Hyatt Terraces sa Baguio City.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita," sinabing batay sa tala ng dating National Disaster Coordinating Council, mahigit 1,000 ang nasawi sa naturang lindol, nasa 3,000 ang sugatan, at mahigit 300 ang hindi na natagpuan.
Mahigit P12 bilyon naman ang halaga ng pinsala.
Ikinumpara ng Presidential Management Staff noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino ang lakas ng lindol sa pagsabog ng 45 atomic bomb na tulad ng mga ibinagsak sa Hiroshima at Nagasaki sa Japan noong World War II.
Noon namang Marso 6, 2002, hindi bababa sa 15 ang patay ang magnitude 6.8 na lindol na tinaguriang Palimbang earthquake, 81 kilometro sa timog kanluran ng Isulan, Sultan Kudarat.
Niyanig din ng magnitude 6.9 na lindol ang Negros Oriental at iba pang bahagi ng Visayas ang noong Pebrero 6, 2012, kung saan 51 ang namatay, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Makalipas ang mahigit isang taon, niyanig muli ng malakas na 7.2 magnitude na lindol ang kabisayaan, kabilang ang Bohol.
Mahigit 200 ang patay at nasa P2 bilyon ang halaga ng pinsala.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News