Matapos mag-viral dahil sa pagpupursige ng kanyang amang kargador makatapos lang ng kanyang pag-aaral, ganap nang guro si Mailyn Akoy na ginuhit naman ngayon ang kanyang 59 na estudyante bilang regalo sa kanilang pagtatapos.
Minsan nang naibida si Akoy sa Kapuso Mo Jessica Soho, ngayon hinangaan naman siya nang iguhit niya ang lahat ng kanyang estudyante sa Notre Dame of Tacurong College sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Akoy, inabot siya ng halos isang buwan at isang linggo para tapusin ang 59 na larawan ng kanyang estudyante gamit ang charcoal pencil.
Naisipan daw niyang iguhit ang mga estudyante dahil natuwa raw siya sa ipinamalas nilang pagpupursige at dedikasyon, kaya naman sulit daw ang kanyang pagod. — Joviland Rita/MDM, GMA News