Hinuli ang isang babae na nagpakilalang lady guard sa Ninoy Aquino International Airport matapos siyang mahulihan ng hindi lisensyadong baril at walong bala habang papasakay ng tren sa MRT Taft Avenue station nitong Biyernes.


 

Sa ulat ni Mark Makalalad sa GMA News TV "Balitanghali," kinilala ang suspek na si Emelyn Zapra, 28-anyos.

Sinabi ng source ng Super Radyo DZBB na patungo sanang norte si Zapra 7:45 a.m. nang sumailalim siya sa X-ray machine.

Napansin ng security guard ng MRT na si Michael Mendez ang kahinahinalang gamit na dala ni Zapra kaya sinita ang huli.

Nang suriin ang dala ni Zapra, doon na nakita ang isang 9mm. na baril na walang lisensya at mga bala.

Nasa kustodiya na ng Southern Police District si Zapra at nahaharap sa reklamong paglabag sa illegal possession of firearm at Comelec gun ban. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News