Nabisto ang iligal na pagtatapon ng mga dumi ng tao ng isang truck sa isang kanal sa mataong lugar sa Malate, Maynila.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ang isang truck na biglang tumigil sa gilid ng isang kalsada sa Pablo Ocampo Street, na nasa harapan ng isang hotel.
Hindi umano gaanong nakikita sa video kung bakit tumigil ang sasakyan pero nakitang bumaba ang driver at pahinante nito at may kinalikot sa gilid ng kanilang sasakyan.
Kalaunan, nakatanggap ng tawag ang barangay mula sa security personnel ng hotel na nagtatapon umano ng laman ang truck sa kanal sa kalsada.
Pero nang paparating na ang mga tauhan ng barangay, dali-daling sumakay ang driver at pahinte ng truck at umalis.
Hindi na inabutan ng mga tanod ang truck pero natuklasan nila na mga dumi ng tao ang itinatapon ng driver at pahinante.
"Hindi po dapat [na doon itapon] kasi nga ho naglilinis nga po tayo diyan lagi eh. Tsaka 'yung mga tinapon nila dumi ng mga tao 'yan na marumi talaga nu'ng inabutan ng barangay personnel namin," sabi ni Manny Nabua, kagawad, Barangay 719 Zone 68, District 5-Manila.
"Ipinagbabawal po iyan. Alam ho natin na may batas ho kung saan dapat itapon 'yan, hindi naman pwedeng ibalik 'yan sa drainage," sabi ni Atty. Jojo Alcovendaz, Administrator, Manila City Hall.
Hindi raw ito ang unang beses na may nagtapon ng dumi sa lugar, saad ng barangay.
Pero hindi na raw masyadong mahahalata ang truck dahil binago ang disensyo nito at nilagyan ng tabing ang magkabilang tabi kaya nagmukhang delivery truck.
Hindi naplakahan o kung may body markings ang truck pero nakikipag-ugnayan na ang barangay sa hotel security at sa Manila City Hall para matukoy ang plaka ng truck.
"Kung sino man ho 'yung nakakita sana niyan, kung nakitaan, naplakahan nila ang trak, ipagbigay-alam sana ho agad dito sa atin sa city hall para mahabol natin," sabi ni Alcovendaz. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News