Isang pulis-Maynila na nahuli-cam sa surveillance video na nagdodroga ang naaresto at nakuhanan ng hinihinalang shabu na higit sa P100,000 ang halaga. Ang kanilang opisyal, labis na nadismaya.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang naarestong pulis na si Police Officer 1 Ferdinand Rafael, na nakataga sa Manila Police District-Admin Holding Office sa Traffic Sector 8.

Naaresto si Rafael ng mga tauhan ng NCRPO-Regional Special Operations Unit at MPD-Drug Enforcement Unit sa Sampaloc, Maynila.

Matapos makunan ng video na bumabatak si Rafael, nagsagawa ng buy bust operation kung saan nabilhan umano ng isang P1,000 halaga ng hinihinalang shabu ang suspek.

"Sa ating kapulisan, alam naman nila na talagang kumbaga mortal sin for the policeman na gumamit ng droga. Dahil ito laging sinasabi natin sa internal cleansing, zero tolerance, no compromise tayo pagdating sa droga," sabi ni Police Director Guillermo Eleazar, NCRPO Chief.

"Hindi naman talaga siya considered as malaking drug pusher, just peddler resorting to peddling. Siguro para matugunan ang kaniyang bisyo," dagdag ng opisyal.

Dismayado rin ang MPD-District Director na si Police Senior Superintendent Vicente Danao Jr. sa nangyaring pagkakahuli sa pulis na sangkot sa droga.

Banta niya na may kasama pang mura, "I just hope that this will be the first and the last sa MPD. Kapag ako ang makakahuli sa inyo papatayin ko kayo mga put.... kayo."

Napag-alaman na 1995 nang ma-recruit sa pagkapulis si Rafael pero nag-AWOL  ito habang nagte-training. naibalik siya sa serbisyo noong 2002 at naitalaga sa Caloocan Police, bago nalipat sa Traffic Sector 8.

Aalamin ng NCRPO kung muling nag-AWOL si Rafael dahil hindi niya alam ang pangalan ng kaniyang opisyal na si Danao, na katabi pa man din niya nang ipresenta siya sa media.-- FRJ, GMA News