Tumaas ng P0.25 hanggang P3 ang presyo ng ilang mga produkto sa pamilihan, ayon sa ulat ni Lei Alviz sa "Balitanghali" nitong Huwebes.
Sa panayam sa opisyal ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association (Pagasa), ang pagtaas sa presyo ay naitala sa ilang brand ng toyo, suka, food seasoning, palaman sa tinapay, processed meat, sitsirya, diaper at baterya.
“They know they will need to increase prices. Why not do it ahead of competition or maybe after competition,” sabi ng presidente ng grupo na si Steven Cua.
Posibleng magtaas ang presyo ng ilan pang produkto sa pagpasok ng Disyembre dahil epektibo na ang P25 na dagdag sa minimum wage.
“Of course, it will affect their expenses. Labor cost affect all industries,” sabi ni Cua.
“Kung may 3,000 employees ka, tapos yung bonus mo madadagdagan lahat, masisira yung kita, yung profit mo,” dagdag niya.
Wala namang pagbabago sa presyo ng mga produktong pang-Noche Buena dahil marami pa ang supply sa mga pamilihan.
Magmamahal daw ito kapag kumaunti na ang supply habang papalapit ang Pasko.
“Pag may sahod, paunti-unti. Pag Christmas ka namili, mas mahal na,” sabi ng isang mamimili na si Epifania Santos.
Sabi naman ng isa pang mamimili na si Annie Tabara, mabuti na raw na dalawang putahe lang ang ihanda sa Noche Buena dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.
“Tama na ang dalawang putahe, yun ang sasabihin ko, dahil mahal na pati bigas,” sabi niya.
Dahil estratehiya ng mga manufacturing company at ng mga supermarket ang pagprepresyo ng produkto, pinag-aaralan naman daw nilang mabuti ang pagtataas nito.
Payo naman ng mga mamimili, ugaliing magkumpara ng presyo ng iba’t ibang brand at ng mga supermarket para makatipid.—Joviland Rita/ LDF, GMA News